Huhulihin ng China simula sa 2013 ang mga barkong dadaan sa pinagtatalunang mga bahagi ng karagatan sa West Philippine Sea, ayon sa isang ulat ng Chinese state media.
Ito’y matapos magpalabas ang China ng isang mapa na nakatatak sa bagong passport nito na nagpapakitang sa kanila ang buong karagatan ng West Philippine Sea.
Umalma si Lt. Gen. Juancho Sabban, commander ng Armed Froces of the Philippines Western Command: “That’s a violation of (the rules) over international passage.”
Sinabi ito ni Sabban bilang reaksyon sa isang ulat ng China Daily na nagsasabing, “revised regulations allow Chinese authorities to board and search all ships that will enter its territorial waters.”
Ayon sa China Daily, ang naturang “rule” ay ipatutupad sa January 1, 2013.
Pinahihintulutan umano ng nasabing “batas” ang mga pulis sa Hainan (isang island province ng China) na hulihin ang mga dayuhang mga barko na papasok sa teritoryo ng China na walang pahintulot.
“Activities such as entering the island province’s waters without permission, damaging coastal defense facilities, and engaging in publicity that threatens national security are illegal,” dagdag pa ng ulat.
Pinagtatalunan ng Pilipinas, China, Taiwan, Malaysia, Brunei at Vietnam, ang ilang mga bahagi ng Spratly Islands na binubuo ng kumpul-kumpol na mga maliliit na mga isla na pinaniniwalaang mayaman sa langis at mga mineral.
Ang Spratlys ay napapaloob sa West Philippine Sea.
Kontrol sa Pantag Shoal
Samantala, kino-control na ng China ang Panatag (Scarborough) Shoal, at hanggang sa ngayon ay ayaw pa rin lisanan ng mga barko nito ang pinagtatalunang lugar, na nasa karagatan ng probinsya ng Zambales sa Luzon.
Tinatawag din itong Bajo de Masinloc, dahil malapit lamang ito sa bayan ng Masinloc, at ang karagatang ito ay tradisyunal nang pangisdaan ng mga taga-Zambales.
Nagsimula ang hidwaan sa Panatag nang mamataan noong Abril ng mga awtoridad sa Pilipinas ang ilang mga bangkang pangisda ng mga Tsino na pumasok sa shoal at nanghuli ng mga “endangered marine species.”
Nang tangkaing hulihin ang mga dayuhang mangingisda, biglang hinarangan ng Chinese Marine surveilance boats ang mga barko ng Pilipinas, na nagresulta sa isang “standoff.”
Batay sa isang kasunduan, kusang umatras ang mga barko ng Pilipinas mula sa shoal. Ngunit, sa halip na alisin ang kanilang mga barko bilang pagtalima, binarikadahan ng China ang Panatag at hindi na pinapapasok ang mga awtoridad ng Pilipinas sa lugar.
Mga islang inangkin ng Pilipinas
Siyam na mga isla sa pinagtatalunang mga lugar sa West Philippine Sea ang ngayo’y tinitirhan ng mga sundalong Filipino, kasama na dito ang Pag-asa Island na may layong 200 nautical miles mula sa Puerto Princesa City in Palawan.
Sa isla nakatayo ang sesntro ng pamahalaan ng bayan ng Kalayaan.
Ang AFP Western Command, sa pamumuno ni Sabban, ang nagpoprotekta sa interes ng bansa sa pinagtatalunang mga isla. — LBG, GMA News